Walang Panahon
Mula Abril 20 hanggang Mayo 30, nagtrabaho ako sa Made For U bilang pagtupad sa practicum requirement ng aking kurso. Tatlong daang (300) oras ng trabaho ang kinailangan kong tapusin, at dahil kapos sa panahon, umabot ako sa puntong labing-isang (11) oras kada araw ang tinatrabaho ko. Salamat naman at natapos ko ito sa oras. Bagaman lubhang nakapapagod ang trabaho at pagbibiyahe mula Antipolo hanggang Cubao araw-araw, masaya naman ang naging karanasan ko sa Made For U. Naging maayos naman ang pagtrato sa amin ni Hubert (blockmate ko na kasama ko sa practicum) ng mga tao roon: sina Sir Joseph (boss namin) at maging ng ibang empleyado (Ate Rodney, Ate Divine, Ate Anna, Ate Karen, Ate Day, Kuya Alvin, Kuya Astro, atbp.) Bahagya nga lang akong nagsawa sa pagkain ng tinapay mula sa paninderya sa labas ng aming opisina. Madalas kasing spanish bread, cinnamon roll, at ensaymada ang minimirienda namin para makatipid sa gastusin.
Pagkatapos ng OJT ko, balik-eskuwela agad ako para sa mga tungkulin ko sa mga organisasyon. Natapos naman nang maayos ang first sem registration, bagaman nariyan pa rin ang mga pasaway na estudyante at mga kagawarang lagi na lang nagpapahirap sa trabaho ng LSAT at ng RegCom. Buti na lang at masaya pa rin kami sa Faura. Natutuwa ako sa mga bagong kasapi ng SciEngTeam dahil maayos silang magtrabaho at masasabi kong maayos din ang aming samahan.
Para naman sa Matanglawin, natapos naman nang maayos ang OrSem issue bagaman 'di ito naisama sa kit ng mga freshmen. Naaliw din ako sa orgtours noon OrSem. Pero nakapapagod talaga. Isang araw lang ang bakasyon ko, at nagsimula na naman ang bagong semestre.
Masaya ako at nakuha ko ang mga gusto kong guro: si G. Bobby Guevara para sa Teolohiya at si G. Albert Lagliva para sa Pilosopiya. Sa totoo lang, mas nasisiyahan pa ako sa mga core subjects ko kaysa sa mga majors ko. Pero sana, maging mas masipag pa ako sa pag-aaral ko ngayong taon. Huling taon na. Konting tiis na lang.
Nagsisimula ko nang maranasan ang "seniors syndrome." Hindi pa rin nagsi-sink in sa akin na magtatapos na ako sa Marso. Kay bilis ng panahon. Marami pa akong gustong gawin. Marami pa akong mga aktibidades na nais salihan. Ayoko pang umalis sa Ateneo at humarap sa tunay na mundo. Nakakatakot. Walang kasiguraduhan. Pero wala naman akong magagawa. May panahon talaga para sa lahat ng bagay.
Bahala na. Basta lalasapin ko na lang ang nalalabing sampung buwan ng pagiging estudyante ko. Nawa'y maging mabunga at masaya ang huli kong taon.
